MANILA, Philippines — Nagbuwis ng buhay ang isang miyembro ng Philippine Marine habang napatay naman ang isang lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) at dalawang tauhan nito sa naganap na panibagong bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng bandidong grupo sa kagubatan ng Sulu nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Capt. Felix Serapio Jr., tagapagsalita ng Philippine Marines, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang makasagupa ng mga elemento ng 62nd Marine Company ng Force Reconnaissance Group ng Philippine Marines ang mga bandido sa Minis Island, Patikul ng lalawigan.
Sinabi ni Serapio na nagsagawa ng combat operation ang tropa ng Philippine Marines sa lugar matapos na makatanggap ng report hinggil sa presensya ng mga armadong bandido sa lugar.
Kasalukuyang ginagalugad ng naturang grupo ng Philippine Marines sa pamumuno ni Col. Armel Tolato ang lugar nang masabat at makasagupa ang tinatayang 50 bandido sa pangunguna ni Abu Sayyaf Sub leader Majid Emamil.
Agad na nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng tatlo sa mga kalaban. Ayon kay Serapio, isa sa mga napatay ay sub-leader ng mga bandido.
Samantalang isa ring tauhan ng Philippine Marines na hindi muna pinangalanan ang nasawi sa nasabing bakbakan habang dalawa pa nitong kasamahan ang nasugatan na agad na isinugod sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital para malapatan ng lunas.