2 holdaper/hired killer utas sa shootout

Inaalam pa ang pagka­kakilanlan ng dalawang napatay na suspek habang nakatakas naman ang itinuturong lider ng grupo na kinilala lang sa alyas na “Barry” at ang isa pa nilang ’di kilalang kasamahan.

MANILA, Philippines — Napatay ng mga awtoridad sa isang engkwentro ang dalawang lalaking hinihinalang miyembro ng notoryosong “Highway Boys” na sinasabing sangkot sa robbery holdup, gun-for-hire, illegal drug trade at iba pang krimen matapos na umano’y manlaban sa pulisya sa Cainta, Rizal kahapon ng madaling araw.

Inaalam pa ang pagka­kakilanlan ng dalawang napatay na suspek habang nakatakas naman ang itinuturong lider ng grupo na kinilala lang sa alyas na “Barry” at ang isa pa nilang ’di kilalang kasamahan.

Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong ala-1:00 ng madaling araw habang nagsasagawa ng spotting operation ang mga tauhan ng Rizal Highway Patrol Group (HPG) nang matiyempuhan ang mga suspek lulan ng isang Toyota Fortuner (NOF-845) sa Brgy. San Andres, Cainta.

Sa beripikasyon sa Stradcom, nadiskubre na hindi re­histrado ang naturang sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) simula pa noong 2015 kaya’t pinara ito at tinangkang pahintuin. Sa halip namang huminto, agad na nagmaniobra ang driver ng sasakyan at tumakas patungo sa direksyon ng Westbank Floodway patungong Taytay ngunit hinabol ng mga alagad ng batas.

Dito mabilis na nakipag-ugnayan ang HPG sa mga tauhan ng Cainta Police at Regional Intelligence Division (RID), Regional Special Ope­rations Unit (RSOU), na noon ay nagsasagawa ng casing at surveillance operations sa kanilang area of responsibility at nagkasa ng dragnet operation. Nang kanilang mamataan ang sasakyan, kaagad itong pinara pero sa halip na sumuko ay pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis at muling tinangkang tumakas. Napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad at dito natamaan ang dalawang suspek na agad na nasawi habang nakatakas ang kanilang lider na si Barry at isa pa nilang kasama.

Show comments