MANILA, Philippines — Dalawang Nigerian ang inaresto ng mga otoridad matapos silang mahulihan ng droga sa ikinasang buy-bust operation sa kanilang apartment kahapon ng madaling araw sa Brgy. Amsic, Angeles City.
Kinilala ang mga nasakoteng dayuhang suspek na sina Christopher Chukwuma alyas ‘Cris’, 33, binata at Ben Okoye, 34-anyos; pawang naninirahan sa nasabing lugar.
Sa ulat ng pulisya, inaresto ang mga suspek habang iniaabot sa poseur buyer ang droga na nagkakahalaga ng P3,000.
Bukod dito nakumpiska rin sa mga suspek ang anim na pirasong medium transparent plastic sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P150,000.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasakoteng suspek habang nakipagkoordinasyon na rin sa Bureau of Immigration (BI) para iberipika ang status ng mga dayuhang tulak ng droga sa bansa. (Joy Cantos at Gary Bernardo)