MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang apat na tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) matapos na masawi sa anti-drug operations ang isang 4-anyos na batang lalaki na tinamaan ng ligaw na bala noong nakalipas na Hulyo 10 sa Cebu City.
Ayon kay Sr. Supt. Benigno Durana Jr., spokesman ng Philippine National Police (PNP), ipinag-utos ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang pagsibak sa DEU operatives ng Cebu City Police kaugnay ng isinasagawang masusing imbestigasyon sa kaso.
“Chief of PNP, P/Director General Oscar Albayalde has directed Regional Director of Police Regional Office (PRO) 7 (P/Chief Supt. Debold Sinas) to relieve all involved PNP personnel pending investigation and to surrender their firearms for ballistics examination,” anang opisyal.
Ang batang biktimang si Blader Skyler Abatayo ay nasawi matapos na tamaan ng ligaw na bala sa anti-drug operations sa kanilang barung-barong sa Sitio Bato, Brgy. Ermita ng lungsod.
Sinabi ni Durana na bagaman sinasabing ang mga nakatakas na apat na drug pushers ang namaril na nakatama sa bata ay aalamin sa imbestigasyon ng PNP–Internal Affairs Service 7 (PNP-IAS) ang mga pangyayari upang alamin ang pananagutan ng nasabing mga anti-drug operatives sa insidente.
Ayon kay Durana, hindi sila mangingiming magsampa ng kasong administratibo at kriminal kapag napatunayang may pagkakasala ang kanilang mga tauhan.