MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa mahigit na P5-milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska at sinunog ng pinagsanib na mga tauhan ng Kalinga Police at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera Administrative Region (PDEA-CAR) sa isinagawang marijuana eradication operation sa limang malalawak na taniman nito sa Tinglayan, Kalinga kamakalawa.
Ayon kay Cordillera Police Director P/Chief Supt. Rolando Nana, nagsagawa ng marijuana eradication operation ang mga otoridad sa Brgy. Loccong, Tinglayan, Kalinga matapos na makatanggap ng tip sa ilan nilang asset hinggil sa malawak na taniman ng marijuana sa lugar.
Nakumpiska sa tinatayang nasa 2,550 metriko kuwadrong taniman ang kabubuang 19,450 piraso ng mga dahon ng marijuana, limang kilo ng marijuana stalks, bulto ng mga binhi at buto nito na nagkakahalaga ng P5,140,000.00 milyon.
Pinangunahan naman ni Nana ang ceremonial burning sa bahagi ng mga nakumpiskang marijuana sa nasabing mga taniman sa lugar.