No. 3 most wanted na rapist, arestado

BULACAN  , Philippines  —   Nahulog na sa kamay ng batas ang isang mister na nakatala bilang No.3 most wanted person at ilang taon nang nagtatago dahil sa panggagahasa sa sariling anak sa Aklan sa isang operasyon sa Brgy. Iba, Hagonoy, ng lalawigan kamakalawa.

Hindi na nakapalag pa nang dambahin ng mga ­operatiba ng  Hagonoy at Aklan ang pangunahing suspek sa rape na si Roderick Domingo, 48, ng Brgy. Iba, naturang bayan.

Sa ulat kay Provincial Director P/Sr. Supt. Chito Bersaluna, dakong alas-9:40 ng gabi nang salakayin ng pulisya ang bahay ng suspek matapos na makumpirmang dito nagtatago ng may pitong taon na dahil sa nakabimbing warrant of arrest para sa 2 counts of rape na nakasampa laban sa kanya na may kaugnayan sa R.A. 7610 na ipinalabas ni Judge Ronald Exmundo ng RTC Br. 3 sa Kalibo, Aklan.

Sa rekord ng pulisya, ginahasa umano ng suspek ng dalawang beses ang kanyang anak sa kanilang bahay sa Malay, Aklan noong Oktubre 2009 at Enero 2010. Matapos siyang ireklamo ng anak, nagsimula nang magtago sa batas ang suspek hanggang sa muli siyang namataan sa naturang lugar.

Show comments