Bagsak sa performance sa anti-drug campaign
MANILA, Philippines — Inalis sa puwesto ang 24 hepe ng pulisya sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) dahilan sa mahinang performance sa anti-drug campaign.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, inianunsyo ni P/Chief Supt. Emmanuel Luis Licup, regional director ng Mimaropa Police ang pagsibak niya sa 24 hepe sa kanyang hurisdiksyon.
Ayon kay Licup, ang hakbang ay bilang pagtalima sa kautusan ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa walang humpay na anti-drug campaign.
Nabatid na inirekomenda ni Sr. Supt. Ferdinand Garay, deputy regional director for operations ng Mimaropa Police ang pagsibak sa 24 hepe na inaprubahan naman ni Licup dahil sa mahina o zero accomplishment sa anti-illegal drug campaign base isinagawang evaluation sa kani-kanilang performance mula Disyembre 5, 2017 hanggang Mayo 31, 2018.
Kaugnay nito, binalaan ni Licup ang 53 pang mga chief of police at Officer-in-Charge mula sa kabuuang 77 opisyal na pagbutihin pa ang pagtratrabaho sa anti-criminality at anti-drug campaign kung ayaw nilang sumunod sa 24 hepe na nasibak sa puwesto.