2 karnaper utas sa shootout

MANILA, Philippines — Dalawang hinihinalang notoryus na miyembro ng carnapping gang na responsable sa pagnanakaw ng mga motorsiklo ang napatay matapos na kumasa at makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Cabuyao City, Laguna nitong Miyerkules.

Sa report ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Kirby John Kraft, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang maganap ang engkuwentro sa Phase 2B, Camella Bermuda Homes, Brgy. Banlic ng lungsod.

Ayon kay Kraft ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang napaslang na suspect.

Sa ulat ng Cabuyao City Police, nakatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa biktimang si Erwin Sayndo hinggil sa pagtangay ng mga suspek sa kanyang nakaparadang motorsiklo sa harap ng kanilang tahanan sa Camella Bermuda Homes sa Brgy. Banlic ng lungsod.

Dito, mabilis na nagresponde ang Cabuyao City Police bandang alas-4:30 na hinabol ang mga suspek na naharang habang papalabas sa subdibisyon. Sinubukang pasukuin ang mga suspek pero sa halip na tumalima ay nagbunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis na nauwi sa shootout na ikinasawi ng dalawa. 

Nakumpiska sa lugar ang isang cal. 45, improvised shotgun at nabawi rin mula sa mga suspek ang motorsiklong kinarnap sa biktima.

Show comments