3 ex-pulis, 3 ‘hired killer’ hinatulan ng ‘life’

KIDAPAWAN CITY  , Philippines  — Sinentensyahan ng “reclusion perpetua” o habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong dating pulis at tatlong self-confessed killer matapos mapatunayan ng korte na sangkot sila sa pagpatay sa isang negosyanteng Tsinoy sa Kidapawan City, may 12 taon na ang nakalilipas.

Sa inilabas na desisyon ni Judge Arvin Sadiri Balagot ng Regional Trial Court branch 17, Kidapawan city, North Cotabato, napatunayang guilty ang mga akusado na sina dating mga pulis ng Kidapawan City na sina Senior Police Officer (SPO) 1 Rene Mamburam, SPO2 Ignacio Rinsulat, at PO3 Edwin Pacana.

Kasama ring hinatulan ng reclusion perpetua ang mga “gun-for-hire” members na sina Reynaldo Camus, Roland Gabais, at Ramil Silonga alias Thomas.

Base sa record ng korte, ang anim ay sangkot sa pagpatay noong Marso 9, 2006 kay Roger Ong, may-ari ng Master Marketing, isang hardware store sa Kidapawan City. Itinuro ang isang Robert Ong bilang mastermind sa murder sa nasabing negosyantng Tsinoy.

Si Robert Ong ay may-ari naman ng Robert’s Hardware na nasa Quezon Boulevard ng Poblacion.

Sa anim, si SPO1 Mamburam ay nakapaglagak ng piyansa na kalahating milyong piso noong 2010 habang si SPO2 Rinsulat ay sumuko noong 2013.

Ayon kay Judge Arvin Sadiri Balagot ng Regional Trial Court Branch 17, ‘di niya nakitaan ng ‘material defect’ ang mga testimonya ng gun-for-hire na sina Camus at Ga­bais. Inamin ng dalawa sa napakaraming pagkakataon na pinatay nila si Roger Ong dahil na rin sa utos nina SPO1 Mamburam at mga kasama nitong pulis.

Ang mga akusado ay pinagbabayad ng korte sa pamilya ni Roger Ong ng P318,572 bilang danyos sa funeral at hospital expenses ng nasawi; P100,000 para sa moral damages; P100,000 sa civil damages; at P100,000 sa exemplary damages.

Sobrang natuwa naman sa desisyon ng korte ang biyuda ni Roger na si Salome Liza Ong. Si Gng. Ong at ang anak niya, kasama ng isa pang testigo ay dumalo sa promulgation ng kaso kahapon.

Show comments