MANILA, Philippines — Tila hindi na muling pinayagang makatakbo sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan election sa darating na Mayo 14 ang isang incumbent kapitan na lider din ng isang samahan ng mga barangay chairman matapos siyang pagbabarilin kamakalawa ng hapon sa Monkayo, Compostela Valley.
Ang biktima na namatay noon din dahil sa dami ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Barangay Banlag Chairman Danilo Daanton, nasa hustong gulang.
Sa imbestigasyon ng pulisya na pasado alas-5:00 ng hapon ay katatapos lang maglaro ng basketball ang biktima at sakay ito ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay.
Pagdating sa Golden Plains Subdivision, Purok 5 ay hinarang ito ng hindi pa mabilang na suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril.
Malaki ang hinala ng pulisya na ang motibo ng pamamaslang sa biktima ay may kaugnayan sa nalalapit na barangay elections.
Kinondena naman ng mga miyembro ng Liga ng mga Barangay sa Monkayo ang ginawang pagpatay kay Daanton na isa rin dating myembro ng Sangguniang Bayan.