MANILA, Philippines — Sa hindi inaasahang pangyayari ay nadiskubre ng Army troopers ang arms cache ng mga komunistang rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Purok 7, Brgy. Ditike, San Luis, Aurora kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Isagani Nato, Spokesperson ng AFP-Northern Luzon Command,dakong alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ng tropa ng Army’s 91st Infantry Battalion (IB) ang nasabing arms cache ng teroristang grupo.
Narekober sa lugar ang isang 20 liter container at backpack na naglalaman ng isang M16 rifle, dalawang magazine ng M16 rifle na may 17 bala, pitong rifle grenades, anim na bala ng M203 grenade launchers at mga personal na kagamitan.
Ang pagkakadiskubre ng nasabing arms cache ay bunga ng pinalakas na intelligence-driven combat operation ng 91st IB ng 703d Infantry Brigade sa ilalim ng 7th Infantry Division ng Philippine Army matapos na inguso ng ilang residente.