MANILA, Philippines — Nasagip ng mga otoridad ang labing-apat na katao na kinabibilangan ng 10 turistang dayuhan at apat na tripulante makaraang aksidenteng lumubog ang sinasakyang bangka ng mga ito sa karagatang malapit sa Hidden Beach Matinloc Island, El Nido, Palawan kamakalawa.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, Spokesperon ng MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) Police, nangyari ang insidente dakong alas-10:15 ng umaga.
Base sa impormasyong ipinarating sa El Nido Municipal Police Station ng Philippine Coast Guard – El Nido, ang bangkang de motor na “Tameboy” ay nagsasagawa ng island hopping lulan ang sampung turista nang mangyari ang insidente.
Gayunman, habang papalapit ito sa Hidden Beach Matinloc Island, El Nido, Palawan ay biglang naputol ang anchor line ng bangka na halos nawasak sa insidente bunsod upang matangay ito ng malalakas na alon at lumubog sa bahagi ng nasabing karagatan.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng PCG- El Nido at nasagip ang mga biktima bago pa man may malunod sa mga ito.
Kinilala ni Tolentino ang mga nasagip na dayuhan na sina Vanessa Baretti, 31, Brazilian; Nathalia Ramos, 35, Portuguese; Sara Sgroi, 26, Australian; Bryce Daniel Mc Carthy, 29, Australian; Christian Abhavaratna, 24, Australian; Gustavo Yuki Tibana, 25; Brazilian; Fabiana de Oliveira, 35 , Brazilian; Alessandra Jore, 30, Brazilian; Pedro Luiz Paulo, 27, Brazilian at Aman Jun, 26 , isang Australian.
Ang apat na nasagip na tripulante ay nakilala namang sina Jessie Ebajon, Boat Captain, 22; Jovily Cañete, 57; John Cris Carmaran,15 at Jue Cortez, 18; pawang residente ng Brgy. Corong-Corong, El Nido ng lalawigan.
Pansamantala namang kinansela ang paga-island hopping sa Hidden Beach bunga ng malakas na alon at upang maiwasan ang sinapit ng mga biktima.