MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang dalawang mataas na lider ng teroristang New People’s Army (NPA) makaraang makaengkuwentro ang pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa bayan ng San Manuel, Tarlac nitong Miyerkules.
Kinilala ni AFP Northern Luzon Command Spokesman Lt. Col. Isagani Nato ang mga nasawing lider ng NPA terrorists na sina Victorio Tesorio; gumagamit ng mga alyas na ‘Ka Dong’, ‘Rico’, ‘Dado’, ‘Merto’, ‘Ikoy’ at ‘Reto’, 1st Deputy Secretary at Commanding Officer ng Regional Operations Command –Komiteng Rehiyon –Hilagang Silangang Luzon (KR-HSL) at Lolito Raza alyas ‘Ka Lanlan’, Commanding Officer ng Danilo Ben Command, Western Command, Northern Front (KR-HSL).
Sinabi ni Nato na bandang alas -3:10 ng madaling araw nang masakote ang dalawang lider sa bisinidad ng Brgy. San Miguel, San Manuel ng lalawigang ito.
Ayon kay Nato, kasalukuyang isisilbi ng Tarlac Provincial Police Office, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 3 at ng tropa ng AFP NOLCOM ang warrant of arrest laban sa dalawa nang pumalag ang mga ito na nauwi sa barilan ng magkabilang panig .
Sa nasabing barilan ay magkasunod na bumulagta ang dalawang lider ng NPA terrorista na binawian ng buhay noon din sa insidente.
Samantalang, nasakote naman sa operasyon si Jose Caroy, caretaker ng safehouse ng dalawang lider ng NPA, dalawang cal. 45, isang colt caliber .45 at mga subersibong dokumento.