LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Apektado ang monitoring ngayon ng mga awtoridad sa aktibidad ng Mt. Mayon makaraang nakawin ng mga hindi kilalang kalalakihan ang ilang gamit ng Philvolcs sa Lidong Observatory Station sa itaas na bahagi ng bulkan sa Barangay Lidong sa bayan ng Sto. Domingo,Albay kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Phivolcs-resident volcanologist Eduardo Laguerta, ilan sa mga nawala sa Lidong Observatory ay ang solar panel at dalawang heavy duty maintenance deep cycle battery.
Sa ulat ni Laguerta, nadiskubre ang pagnanakaw nang umakyat sila para sa maintenance check-up sa nasabing observatory station.
Dahil sa pagkawala ng ilang gamit, nagkaroon ng short circuit at nasunog ang ilang importanteng euipment na gamit sa pag-monitor sa aktibidad ng bulkang Mayon na nasa ilalim ngayon sa alert level-one.
“Nasunog ang charge controller at minor accesories kaya naka apekto sa seismic, geochemistry at meteorology instruments.” ani Laguerta.
Nanawagan naman ang Phivolcs-Legazpi sa mga residente at opisyal ng barangay na tulungan sila sa pagbabantay sa lahat ng kanilang observatory stations sa palibot ng bulkan.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap na insidente.