Mag-utol na ‘drug lord’, arestado

TUGUEGARAO CITY, Cagayan  , Philippines  —  Nasakote ng awtoridad ang mag-utol na tinaguriang drug lord ng Cagayan matapos isilbi ang kanilang mandamiyento de-aresto sa magkahiwalay na insidente sa Barangay Mabuttal East at West sa bayan ng Ballesteros noong Miyerkules. ?

Sinabi ni Cagayan Police Director P/Senior Supt Warren Tolito na hindi na nakapalag ang magkapatid na sina Chairman Edmundo Uclos, 50, ng Barangay Mabuttal West; at Arnulfo Uclos, 53, nang isilbi ng mga pulis at tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) ang warrant of arrest na ipinalabas ni RTC Judge Conrado Tabago noong Bi­yernes (Nob. 17). ?

Sa tala ng pulisya, wala ang mag-utol nang lusubin ng mga awtoridad ang kani-kanilang bahay noong Mayo 2017 kung saan nasamsam ang P.2  milyong halaga ng shabu kung saan walang Inirekomendang piyansa si Judge Tabago. ?

Noong nakaraang Agosto 2017 ay napatay ang kanilang utol na si Wilfredo Uclos, 60, sa isang ambush sa Tuguegarao City.

”Ang tatlong mag-utol na sumuko sa Oplan Tokhang noong 2016 ay itinuturong may-ari ng P14 milyong halaga ng shabu chemicals na nadiskubre sa bayan ng Sta. Marcela, Apayao noong 2016,” pahayag pa  ni Tolito.

Show comments