NORTH COTABATO - Umaabot sa 12 teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang napatay makaraang sumiklab ang madugong sagupaaan ng dalawang grupo sa Sitio Digadeng, Barangay Tee sa bayan ng Datu Salibo sa Maguindanao kahapon.
Kabilang sa mga napatay na BIFF ay kinilala lamang sa mga alyas na “Salik”, “Noboh”, “Amir”, “Sanged”, “Mohaimin”, “Sulah”, “Tatoh”, “Pagal”, “Arsad”, “Dindih”, “Musib”, at si “Awal”.
Kinilala ang mga napatay na MILF fighters na sina Mahmod Laguiab, Darix Kendag, Kuzak Ali, Anwar Maulana at Kalidin Ulama.
Sugatan naman ang apat na MILF fighters na sina Batinti Sabidra, Kunyang Guiama, Nasir Talib at si Gerry Bukah.
Ayon sa ulat, sumiklab ang bakbakan matapos paputukan ng BIFF rebs ang grupo ng Task Force Ittihad ng MILF na nagtungo sa lugar para beripikahin ang ulat na namataan si Esmael Abdulmalik, alyas “Kumander Abu Toraifie” at apat na iba pang wanted terrorists na sina Salahudin Hassan, Bashir Ungab, Nasser Adil at Ansari Yunos sa boundary ng Barangay Sambulawan, Datu Salibo at Barangay Butilen sa Kabuntalan.
Umabot sa mahigit tatlong oras ang bakbakan ng magkabilang panig na nagsimula pasado alas-5 ng umaga.
Nabatid na matagal nang tinutugis ng Task Force Ittihad ang kumander ng BIFF na si Abdulmalik na sinasabing sympathizer ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Sinasabing si Abdulmalik ay masugid na tagasunod ng napatay na si Malaysian terrorist Zulikifli bin Hir alyas “Marwan”.
Sinabi ni Tello na ang pagtugis ng MILF Task Force Ittihad laban sa BIFF rebs ay bahagi ng dalawang kasunduan nito sa gobyerno, una ang Oktubre 15, 2013 Framework Agreement on Bangsamoro at noong Marso 27, 2014 Comprehensive Agreement on Bangsamoro.
Kaugnay nito, nagdeploy na ng karagdagang puwersa ang militar sa lugar upang mapanatili ang peace and order.