BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Umabot sa anim-katao na sinasabing may kaugnayan sa drug trade ang napatay sa naganap na magkakahiwalay na pamamaril sa Nueva Vizcaya at Cagayan sa loob lamang ng dalawang araw, ayon sa ulat kahapon.
Nakilala ang mga napatay sa Nueva Vizcaya na sina Arnold Santos, 42, ng Purok 2, Barangay San Geronimo, bayan ng Bagabag; mag-amang sina Alein Pimentel, 46; at Ian Jay Pimentel, 26, kapwa residente ng Barangay Munguia, bayan ng Dupax Del Norte.
Kinilala naman ang mga napaslang sa Cagayan na sina Chairman Rodel Saliganan Cuntapay, 42, ng Barangay Sta. Cruz sa bayan Gonzaga; Marvin Ilaw, 37, trader, at residente sa bayan ng Baggao; at si Villamor Abella, 50, trader na dating barangay kagawad na nakatira naman sa bayan ng Solana, Cagayan.
Batay sa ulat ng pulisya, si Santos na sinasabing nagpapahinga sa balkonahe ng kanyang bahay nang lapitan at ratratin ng mga hindi kilalang lalaki na lulan ng kotse at motorsiklo noong Martes ng gabi sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Gayundin ang mag-amang Pimentel na pinagbabaril ng riding-in-tandem assassins sa harap ng kanilang tindahan sa nabanggit na barangay noong Miyerkules ng gabi (Mayo 31).
Nabatid na sina Santos at nakatatandang Pimentel ay dating drug surrenderee habang ang nakababatang Pimentel naman ay nadamay nang tangkain niyang ipagtanggol ang sariling ama sa kamay ng gunmen.
Sa ulat naman ni P/Senior Insp. Aleeh Bacuyag. Hepe ng Sta. Teresa Police Station, si Chairman Cuntapay naman ay itinumba rin ng riding-in-tandem gunmen noong Miyerkules ng hapon habang nakasakay sa trike kasama ang kanyang bayaw.
Maging si Ilaw na may-ari ng panaderya sa Barangay San Jose ay niratrat habang nagsasara ng pintuan ng negosyo.
Sa ulat ni PO4 Roque Binuyag, si dating Kagawad Abella naman na sinasabing drug suspek ay niratrat ng hindi kilalang lalaki habang umiinom ng kape sa kusina ng bahay kaharap ang kanyang misis noong Miyerkules ng gabi sa Barangay Nagalisan sa bayan ng Solana, Cagayan.