BATANGAS, Philippines - Nasabat ng mga tauhan ng pulisya ang 2 kilong high grade shabu sa abandonadong kotse na nakaparada sa parking lot ng Batangas Port noong Martes ng madaling araw.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Randy Peralta, Batangas police director, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Parañaque City Police Station laban sa isang alias “RJ” sa kahabaan ng Aguirre Avenue sa Barangay BF Homes bandang alas-12:15 ng madaling araw.
Gayunman, nakatunog ang suspek na mga police poseur-buyer ang kanyang ka-deal kaya agad na sumibad ito patungong Sucat Road papalabas ng South Luzon Expressway sakay ng abuhing Toyota Altis na may plakang XTU 479.
Sa isinagawang follow-up operation, nakipag ugnayan ang Parañaque police sa Batangas police kung saan kaagad namang narekober ang nasabing kotse ng suspek na nakaparada sa parking lot ng Batangas Pier bandang alas- 5:10 ng umaga.
Narekober sa loob ng kotse ang 2 kilong high grade shabu na naka-pack sa dalawang plastic ziplock bags.
Patuloy naman ang pagtugis sa suspek na pansamantala munang hindi tinukoy ang kinaroroonan.