Guro pinasok, inutas ng ‘Akyat-Bahay’
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines - Patay na nang matagpuan ng kanyang mga kamag-anak ang isang 40-anyos na high school teacher at dating college professor nang pasukin at pagsasaksakin ng hinihinalang mga miyembro ng Akyat Bahay gang sa loob ng kanyang tahanan sa Purok 3, Brgy. Baranghawon, Tabaco City kahapon ng madaling-araw.
Apat na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naging sanhi ng kamatayan ng biktimang si Jordan Averilla, binata, guro ng Tabaco City National High School at dating professor ng Aquinas University of Legazpi at Bicol University. Nakitaan din siya ng sugat sa bibig at dila.
Sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang madiskubre ang biktima na duguan at nakahandusay sa loob ng kanyang kuwarto. Nagawa pa siyang isugod sa Ziga Memorial District Hospital ng mga kaanak pero idineklarang patay.
Hinihinala ng pulisya na posibleng mga kawatan ang pumasok sa bahay ng biktima at pumatay dito makaraang manlaban dahil sa nawawalang wallet at pera nito.
- Latest