MANILA, Philippines – Napaslang ang 60-anyos na babaeng guro makaraang pagsasaksakin ng isang estudyanteng nag-amok na napatay din sa Barangay Dila, bayan ng Bay, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang guro na si Francisca Atienza ng Christian Academy School sa nasabing barangay.
Samantala, kinilala naman ang estudyante na si Jarelle Perez ng Laguna State Polytechnic University (LPSU) sa bayan ng Sta. Cruz at residente ng Brgy. Hanggan sa bayan ng Calauan.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang sina Juancho Atienza, 54, mister ni Francisca at Pastor sa Baptist Church Bay Chapter at ang 15-anyos na apo na si Isabelle Ann Raville, 4th year student sa Christian Academy School.
Sa ulat ng tanggapan ni P/Senior Supt. Joel Pernito, acting provincial director ng Laguna Police, bandang alas- 9 ng gabi nang magtungo ang nag-amok na si Perez na kumatok at nagsabi pa ng ‘tao po’ sa bahay ng pamilya Atienza.
Gayunman, nang pagbuksan ito ni Juancho ay agad itong pinukpok sa ulo ng estudyante saka pinagsasaksak at nang makita naman ito ni Francisca ay sumaklolo sa asawa kaya siyang napagbalingang saksakin ng suspek.
Nasindak naman ang apo ng mag-asawa na si Isabelle Ann ay nasaksak din sa braso ng suspek.
Nakipag-agawan naman sa patalim ang pastor sa pagtatanggol sa sarili gayundin sa kaniyang misis at apo na nagawa ring masaksak ang suspek na nagtatakbo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Ang suspek ay napatay sa matinding tama ng saksak na tinamo sa katawan habang isinugod naman ng mga kapitbahay sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna Hospital ang mga biktima.