Plastic bags at styrofoam ibinawal sa Gapo
OLONGAPO CITY, Philippines - Mahigpit nang ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Olongapo City ang paggamit at pagbenta ng iba’t ibang plastic bag at anumang produkto ng styrofoam food packaging simula ngayong 2017.
Ito ay bilang pagsisikap ng lokal na gobyerno na maprotektahan ang kalikasan at ang matinding pagbaha sa nasabing lungsod.
“Plastic bags and styrofoam are among the top trash collected during our yearly citywide cleanup, it is also one of the main reason why our drainage clogs up, that is why we opt to ban plastic in the city,” pahayag ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino.
“Kailangan namin ng tulong ng mga residente, pag nakita sana nila na gumagamit pa rin ng plastic bags or styro yung tindahan, sabihan na nila, o mag-report sa aking opisina, hindi lang naman ang lokal na pamahalaan ang makikinabang dito, buong Olongapo lalung lalo na ang mga maliliit na bata na maiiwan natin sa siyudad, lahat tayo dapat maging miyembro ng task force,” dagdag pa ni Paulino.
Pinangunahan ni Mayor Paulino ang Task Force kung saan pumili ng mga personalidad mula sa local government para masusing mamonitor at mabilis na maimplementa ang nasabing ban.
Ang total ban sa paggamit ng plastic bags at styrofoam ay nagsimula noong Enero 1, 2017 matapos ang unti-unting pag-implementa noong 2016.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 11 series of 2015 na orihinal na ipinanukala ni Konsehal Atty. Noel Atienza, nasa P1, 000 multa ang unang lalabag, P2, 000 para sa ikalawang opensa at P5,000 at kanselasyon ng business permit sa mga establisyementong lalabag sa ordinansa.
- Latest