NORTH COTABATO, Philippines – Napatay ang mag-ama na sinasabing armado ng baril matapos itong makipagbarilan sa mga tauhan ng Citizen Armed Forces Geographical Unit sa Barangay Kigan, bayan ng South Upi, Maguindanao kahapon. Kinilala ang mga napaslang na sina Lauriano Adolfo at Atoy Adolfo habang sugatan naman si Joseph Adolfo, mga residente ng nasabing lugar. Base sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Agustin Tello, pinagsabihan ng Cafgu ang mag-aama na huwag magdala ng baril kung pupunta ng mga okasyon o kapistahan sa kanilang lugar subalit nagmatigas ang tatlo. Una umanong nagpaputok ang mag-amang Adolfo kaya gumanti rin ang Cafgu kaya napatay ang mag-ama habang sugatan naman ang isa pa. Kasalukuyang nagdagdag ng puwersa ng Cafgu at mga sundalo dahil sa posibleng rumesbak ang pamilya ng mag-ama.