Bike vs mobile patrol: 3 PNP-SAF bulagta

NORTH COTABATO, Philippines – Patay ang tatlong tauhan PNP-Special Action Force (SAF) na magkaangkas sa motorsiklo makaraang salpukin ng 911 mobile patrol sa Barangay Paco, Kidapawan City sa North Cotabato kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina P03 James Bangayan, P02 Arjay Curpoz Cuibal at si P03 Andi Balungayan na pawang nakabase sa PNP-North Cotabato Provincial Headquarters sa Barangay Amas sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Kidapawan City PNP, naitala ang aksidente bandang alauna ng madaling araw kung saan pabalik ng kanilang kampo ang mga  biktimang magkakaangkas sa motorsiklo nang mabundol ng 911 mobile patrol sa bahagi ng Barangay Paco sa Kidapawan City.

Dahil sa lakas ng impact, kaagad na namatay ang tatlo makaraang tumilapon sa sakay na motorsiklo at mabagok ang ulo sa sementong kalsada.

Sugatan naman ang driver ng 911 mobile patrol na si Jofel Mangibunong, kawani ng lokal na pamahalaan ng nasabing lungsod at kasama nito na si John Revilla.

Sinasabing nakainom umano ang tatlong pulis at pagiwang-giwang sa kahabaan ng national highway ang motorsiklo nang makasalubong si kamatayan.

Show comments