CAMP ADDURU, Tuguegarao City, Cagayan, Philippines – Muling binalasa ng pamunuan ng pambansang pulisya sa lambak ng Cagayan matapos palitan sa puwesto ang 24 na hepe ng pulisya sa lalawigan ng Isabela at Cagayan dahil sa “unsatisfactory performance”.
Ayon kay P/Supt. Chivalier Iringan, Information Officer ng Police Regional Office 02 (PRO2) mismong si Chief Superintendent Gilbert Sosa, police regional director ang nagpalabas ng kautusan para sibakin sa pwesto ang 24 na mga hepe batay umano sa resulta ng Regional Evaluation Team (RET) sa ilalim ng programang “Double Barrel Alpha.”
Sa Isabela, sinibak sa puwesto ang 19 na mga hepe na kinabibilangan ng mga C/Inspectors na sina Edgar Pattaui ng Reina Mercedes, Lord Wilson Adorio ng San Isidro, Rolando Gatan ng San Agustin, Danny Alingog ng Angadanan, Jayson Cabauatan ng Cabagan, Charlemaigne Tabije ng Mallig, Benigno Asuncion ng Tumauini, Jefrey Raposas ng Santa Maria, Santos Tecbobolan ng Alicia, Senior Inspectors Noriel Lacangan ng Cabatuan, Ruel Mena ng Delfin Albano, Angelito Ramirez ng Burgos, Raymund Baggayan ng San Pablo, Sherwin Concha ng Naguilian, George Maribbay ng Gamu, Jose Torrijos ng Benito Soliven, Alex Orbillo ng Luna, Mariano Marayag Jr. ng Quirino at Rimelvin Dungca ng San Guillermo.
Samantala, sa Cagayan ay pinalitan din sa puwesto sina C/Insp. Rodel Tabulog ng Allacapan, Sr. Inspectors Geronimo Baloran ng Amulung, Jon-Ai Calimag ng Buguey, Francis Pattad ng Pamplona at Florentino Marallag ng Santo Niño.
Nilinaw ni Sosa na ang balasahan ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga na siyang priority program ni Pangulong Duterte.