MANILA, Philippines – Isang barker na una ng sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ ng pulisya ang nasawi makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng maskara habang ang biktima ay nakatayo sa gilid ng kalsada sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Ronald Nisola, 44, ng Brgy. Saint Joseph, Taytay Rizal.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang pagbaril sa biktima ay naganap dakong alas-7:00 ng gabi sa N. Domingo St., corner Lake St., Brgy. Balong-bato, San Juan City.
Ayon sa report, nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada na tila may hinihintay na kaibigan noong dumating ang suspek na nakasuot ng maskara at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.
Limang tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima na siyang dahilan ng kanyang on-the spot na kamatayan.
Base sa rekord ng pulisya, nabatid na una ng sumuko sa oplan tokhang ang biktima pero nagpatuloy pa umano ito sa kanyang illegal na gawain.
Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng San Juan police para mabatid ang tunay na motibo ng krimen at madakip ang salarin.