CAVITE, Philippines - Kamatayan ang sinapit ng 35-anyos na misis habang nakaligtas naman ang anak nitong babae matapos itong saksakin at gilitan ng dating trabahador nito na hindi pinahiram ng pera ng una kamakalawa sa Barangay San Antonio 1 sa bayan ng Noveleta, Cavite.
Napuruhan sa leeg ang biktimang si Carolyn Martinez habang nakaligtas naman kay kamatayan ang sugatang anak nitong si Fiel Jocelyn Martinez, 5, kapwa nakatira sa ng Jordan Estate Subd. sa Barangay San Antonio 1, bayan ng Noveleta, Cavite.
Arestado naman ang suspek na si Bobby Bautista,33, binata, construction worker at nakatira sa Barangay Sineguelasan sa Bacoor City, Cavite.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, nanghihiram ng pera ang suspek sa biktima na dati nitong naging karpintero.
Gayunman, hindi ito pinahiram ng biktima kaya umalis na lamang ang suspek.
Pinaniniwalaang dinamdam ng suspek ang pagtanggi ng biktima na magpahiram ng pera kaya nagawang saksakin ang mag-ina.
Kahit sugatan ay nagawang makalabas ng bahay ang 5-anyos na anak at humingi ng tulong sa mga kapitbahay kaya nasakote ang suspek sa inilatag na follow-up operation.