Truck grinanada: 7 Army sugatan

NORTH COTABATO, Philippines – Pitong Army Scout Ranger ang nasugatan makaraang pasabugan ng granada ng ilang kalalakihan ang military truck sa Marina Street, Barangay Walled City sa bayan ng Jolo, Sulu kahapon ng umaga. Kinilala ni Major Filemon Tan ang mga sugatan na sina Sgt. Zandro Sambrano, S/Sgt. Ferdinand Bisnar, Cpl. Juanito Taguiam Jr., Cpl. Arth Manatad, Cpl. Arnel Pascual, Cpl. Louis Limmayog at si Corporal Calpasi Olli na pawang nakatalaga sa10th Scout Ranger Company sa Bud Datu, Barangay Tagbak sa bayan ng Indanan. Ayon sa ulat, pabalik na sa kanilang headquarters ang mga sundalo na mula sa pantalan ng Jolo matapos sunduin ang mga kasamahan nang mangyari ang pagsabog. Isinugod naman sa Military Trauma Hospital ang mga sugatan bago ililipat sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City.

Show comments