GUMACA, QUEZON, Philippines – Tatlo katao kabilang ang isang guro ang nasawi matapos na lumubog ang kanilang sinasakyang bangkang de motor habang nailigtas naman ang 64 na iba pa sa karagatang sakop ng Barangay Villabota, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Gumaca District Hospital dahil sa pagkalunod sina Rosefel Oliveros, 46, guro, Isabelita Oliveros, 52, kapwa residente ng Quezon at Susan Tajaran, 53 ng Aklan.
Pansamantala namang kinukupkop ng Municipal DSWD ang mga nailigtas na ibang pasahero habang patuloy na hinahanap ng mga otoridad ang kapitan ng M/B Lady Anne na si Jun Navares.
Ayon sa ulat na tinanggap ni P/SSUPT. Eugenio Paguirigan, Quezon PNP Director, dakong alas-3:30 ng hapon ay naglayag ang nasabing motorbanca patungo sa Alabat, Quezon, subalit nang nasa 100 metro na ang layo nila sa pantalan ay hinampas ito ng malalakas na alon na may kasamang hangin.
Nasira ang mga layag ng bangka hanggang sa tuluyan itong lumubog kasama ang mga pasahero at 4 na crew, subalit mabilis naman silang nasagip ng mga mangingisda at mga elemento ng coast guard at iba pang rescuer, gayunman ay minalas na masawi ang tatlong biktima.