MANILA, Philippines - Anim na pulis ang kinumpirmang napatay habang walo naman ang malubhang nasugatan sa naganap na pananambang sa elite troops ng pulisya ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na lugar sa Barangay Sta. Margarita, bayan ng Baggao, Cagayan kahapon ng umaga.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Cagayan Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Rolando Olay kung saan taliwas sa ini-report ng isang radyo station sa Cagayan na 17 ang patay na pulis.
Nabatid na bumabagtas ang mga tauhan ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) 2 na lulan ng PNP vehicle nang tambangan ng mga rebelde dakong alas-10 ng umaga.
Sa kabila naman ng sorpresang pag-atake ay nakipagpalitan ng putok ang tropa ng PNP sa grupo ng NPA rebs.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang clearing operations sa lugar at inaalam pa kung ilan ang napaslang sa hanay ng mga rebelde na mabilis na nagsitakas na naghiwa-hiwalay ng direksyon sa kagubatan.
Kaugnay nito, ayon naman kay Lt. Col.Resurreccion Mariano, Civil Military Operations ng 5th Infantry Division (ID), nagpadala na ng reinforcement troops sa lugar ang tropa ng Phil. Army upang tugisin ang mga rebelde na sangkot sa madugong pananambang sa RPSB troops ng PNP.