MANILA, Philippines – Bumulagta ang magkakapatid na bata habang malubha naman ang kanilang mga magulang matapos na malason sa kinaing paksiw na isda sa bayan ng San Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina John Ronnel, 5; Princess Jessavel, 2; at si Mark Veejay Galleon, 7.
Patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang mag-asawang sina Jessa Galleon at Valentino Galleon.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Victor Abarca, hepe ng Jose Panganiban PNP na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-11 ng tanghali noong Martes ng mananghalian ang pamilya Galleon ng paksiw na isdang nalambat ni Valentino.
Gayon pa man, ilang oras matapos ang pananghalian ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkahilo, paninikip ng dibdib, at pamamanhid ng katawan ang mag-anak kaya unang isinugod sa Jose Panganiban Primary Hospital Services Cooperative subalit idineklarang patay sina Jhon Ronnel at Princess Jessavel .
Sumunod namang namatay si Mark Veejay matapos itong dalhin sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Kasalukuyang sinusuri ng mga opisyal ng kalusugan ang sample ng kinaing isda ng mga biktima.