PAMPANGA, Philippines - Magiging fully integrated na simula sa Marso ang North Luzon Expressway (NLEx) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) dahil pag-i-isahin na ang toll collection system.
Ayon kay Manila North Tollways Corporation Vice President for Marketing Renee Ticson, hindi na kailangang pumila nang matagal at dalawang beses sa magkasunod na tollgate sa bayan ng Dau sa NLEx at Mabalacat sa SCTEx dahil tatanggalin na ang mga ito.
Ipinagkaloob ng Bases Conversion Development Authority ang pamamahala sa SCTEx na concessionaire sa MNTC upang ang mangasiwa sa operasyon at pangangalaga sa pinakamahabang expressway ng bansa.
Bilang paghahanda sa full integration ay kasalukuyang nagtatayo ng toll plaza sa dulong bahagi ng NLEx sa may Sta. Ines sa Mabalacat City dahil mawawala na ang toll gate sa Dau kung saan sa Sta. Ines toll plaza na magbabayad ang mga sasakyang lalabas.
Para naman sa mga bababa sa Mabiga, naglalagay na rin ng toll plaza para sa mga sasakyang mag-e-exit.
Kasabay nito, itinatayo na rin ang malaking toll plaza sa La Paz sa Tarlac hangganan ng SCTEx na nakakabit sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway.
Pag-iisahin na rin ang tollgate ng SCTEx at Subic Free Expressway kung saan tatapusin ng MNTC sa unang bahagi ng Pebrero 2016 ay ginagastusan ng P650 milyon.
Bahagi ito ng kabuuang P1.5 bilyon na inilagak ng MNTC upang pag-isahin ang sistema ng dalawang pangunahing expressway sa Gitnang Luzon.