MANILA, Philippines - Umiskor ang mga elemento ng militar at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mapaslang ang isang notoryus na drug pusher na nagresulta rin sa pagkakasamsam ng matataas na kalibre ng mga armas at shabu sa drug bust operation sa Brgy. Calangcanas, Maluso, Basilan kahapon.
Kinilala ang nasawing suspek na si Abubakar Mohammad alyas Abubakar Adali habang arestado naman ang walo pa nitong kasamahan.
Ayon kay Major Felimon Tan, Spokesman ng AFP-Western Mindanao Command, bandang alas-5:45 ng umaga nang isagawa ang raid ng pinagsanib na operatiba ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 11, 4th Special Forces Battalion ng Phil. Army at PDEA ang drug bust operation sa lugar.
Gayunman, pumalag si Mohammad na agad nakipagbarilan sa arresting team na nauwi sa barilan habang nakorner ang walo pa nitong mga kasamahan.
Nasamsam sa operasyon ang dalawang M 16 rifles, isang M2013 grenade launcher, isang caliber .22 pistol, isang rifle grenade, sari-saring rounds ng mga bala, mga magazine, cash, ilang plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.