Mga opisyal ng Lipa City PNP sinibak
BATANGAS, Philippines – Apat na preso na pawang nahaharap sa mga kasong robbery, illegal drugs at homicide ang nakatakas matapos wasakin ang kisame ng selda sa himpilan ng pulisya sa Lipa City, Batangas kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Arcadio Ronquillo Jr. Batangas police director ang mga nakapugang preso na sina Jonathan Jimenez, 23; Marvin Inciong, 33; Rommel Endaya, 27; at si Alvin Masupil, 27.
Ayon kay PO2 Jayson Luna ng Lipa City PNP, nakarinig siya ng mga ingay sa kisame ng selda bandang alas-2:10 ng umaga.
Nang usisain ni PO2 Luna ang likurang bahagi ng selda ay nakita nito ang presong si Tommy “Balawis” Candor na tumalon mula sa kisame. Agad naman itong nasakote ng grupo ni PO2 Luna.
Mabilis na nag-head count ang mga pulis at nadiskubreng nawawala ang apat na preso mula sa 40-preso.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon, winasak ng mga preso ang kisame ng selda at gumamit ng kumot para makaakyat sa bubong bago nagsitakas.
Inilatag ang malawakang manhunt operation sa pangunguna ni P/ Senior Inspector Domingo Balesteros Jr.
Sinibak naman sa puwesto si P/Supt. Barnard Danie V. Dasugo, hepe ng Lipa City PNP kaugnay sa principle of command responsibility.
Kabilang din sa mga sinibak ay sina P/Senior Insp. Domingo Balesteros Jr, officer of the day; SPO2 Cleofe Pera, senior duty police non-commissioned officer; PO2 Jayson Luna, desk officer; at si PO1 Daniel P. Cascante, duty jailer.
Pansamantalang ilalagay ang mga opisyal sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) habang inaantay ang clearance mula sa higher headquarters at sa Comelec.
Mahaharap sa criminal case of Infidelity in the Custody of Detention Prisoners si duty jailer Cascante habang ang iba naman ay mahaharap sa kasong administratibo.