2 bangkay itinapon sa bangin

Crime scene sign

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Dalawang naag­nas na bangkay ng lalaki ang natagpuan na nakasilid sa malalaking plastic bag at pinaniniwalaang itinapon sa bangin sa Barangay Marikit, Alfonso Castañeda ng lalawigang ito kamakalawa.

Ayon kay P/Chief Insp. Joberman Vides, hepe ng PNP Alfonso Castañeda, ang dalawang bangkay na walang nakuhang pagka­kilanlan ay kapwa nasa 5’4” ang taas. Ang isa ay nakasuot ng asul, puti at gray na polo shirt, maong na pantalon at may tattoo na dragon at spider sa magkabilang braso habang ang isa ay nakasuot ng puting t-shirt, maong na pantalon at may tattoo ng Guardian 2003 sa kanang braso.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang mapadaan sa lugar ang isang residente na nakalanghap ng masangsang na simoy ng ha­ngin. Nang sundan umano niya ang pinanggagali­ngan ng mabahong amoy, tumambad sa kanya ang mga plastic bag sa malalim na bangin. Nang kanyang suriin, dalawang bangkay ng tao ang nakabalot sa nasabing mga bag.

Sa teyorya ng pulisya, maaaring pinatay sa ibang lugar ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang kable na nakapulupot pa sa kanilang leeg bago itinapon sa naturang lugar upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Show comments