6-anyos utas sa kinaing cassava

CEBU, Philippines – Patay ang 6-anyos na totoy habang naisugod naman sa ospital ang dalawa nitong utol makaraang malason sa kinaing cassava sa kanilang bahay sa Barangay Balaytiki, bayan ng Dumanjug, Cebu kahapon ng mada­ling araw. Kinilala ni PO1 Loreniel Labasa ang namatay na biktimang si Noven Pasuquin Monteza habang ginagamot naman sa Barili District Hospital ang dalawang utol na sina Dexter Monteza, 2; at Marilyn Monteza, 9, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-5 ng hapon noong Martes nang magkakasabay ang magkakapatid na kumain ng cassava.  Gayon pa man, ilang oras ang nakalipas ay nanakit ang tiyan ng mga biktima subalit hindi naman dinala sa ospital. Ayon pa sa police report, bandang alas-4 ng madaling araw nang mamataan ng kanyang mga magulang si Noven na nangingisay at bumubula ang bibig bago mamatay.

Show comments