NORTH COTABATO, Philippines – Umabot sa 230 pamilya ang nagsilikas matapos sumiklab ang panibagong bakbakan ng magkalabang angkan sa bayan ng Midsayap, North Cotabato kamakalawa.
Ayon kay P/Senior Supt. Alexander Tagum, North Cotabato PNP director, nagkasagupa ang grupo nina Kumander Kulilong at Kumander Mangadta sa Barangay Nes.
Kaagad namang rumesponde ang Midsayap PNP sa pangunguna ni P/Supt Gilbert Tuzon, kasama ang 45th Infantry Battalion Philippine Army, Bantay Bayan, Barangay Peacekeeping Action Team, Public Safety Battalion at mga force multipliers na nagbigay ng seguridad sa mga sibilyan.
Dumating din si Ustadz Dadting Imam, council of elders at agad nagsagawa ng negosasyon upang humupa ang engkuwentro ng magkaaway na angkan.
Hindi pa rin bumabalik sa kanilang bahay ang 230 pamilya sa takot dahil nasa paligid lamang ang mga armadong grupo.