Misis itinumba sa palengke

BULACAN, Philippines – Napatay ang 35-anyos na misis na sinasabing may nakabinbing kasong kriminal matapos itong pagbabarilin ng motorcycle-riding assassins sa loob ng pamilihang bayan sa Barangay Poblacion, bayan ng Baliwag, Bulacan kamakalalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo si Alfha Mallari ng Sitio Dike, Brgy. Poblacion sa nabanggit na bayan. Base sa police report,  naglalakad sa loob ng palengke ang biktimang pauwi na sana nang harangin at ratratin ng tandem. Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal. 9mm pistol. Sa beripikasyon ng pulisya, may nakabimbing warrant of arrest sa kasong grave threat at malicious mischief ang biktima sa sala ni Judge Mario Pocholo Telan ng Baliwag Municipal Trial Court sa Bulacan.

Show comments