MANILA, Philippines – Dalawang lider ng teroristang Abu Sayyaf Group na sangkot sa kidnap-for- ransom ang nasakote ng militar at pulisya sa pantalan ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Kasalukuyang isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na alyas Haris at alyas Suhod na nakabase sa Basilan.
Bandang alas-7:45 ng umaga nang masakote ng AFP Joint Task Force Zamboanga at ng lokal na pulisya ang dalawa na sinasabing kababa pa lamang M/V Anika mula sa Basilan sa bisinidad ng Philippine Ports Authority (PPA) sa nasabing lungsod.
Nasakote ang mga suspek matapos na makatanggap ng intelligence report kaugnay sa planong pambobomba ng dalawa sa nasabing lungsod.
Sa tala ng militar, ang dalawa ay sangkot sa kidnapping ng 10-manggagawa ng Golden Harvest Plantation sa Basilan noong Hunyo 2001.
Dalawa sa mga bihag ay pinugutan matapos na hindi magbayad ng ransom ang pamilya.