Mag-ama nilamon ng apoy
CAVITE, Philippines – Masaklap na kamatayan ang sinapit ng mag-ama makaraang makulong ng apoy sa nasunog nilang bahay sa Barangay 54-M San Roque, Cavite City, Cavite kahapon ng umaga.
Natagpuang magkatabi sa loob ng kanilang bahay ang mag-amang sina Joel Navarro Sr., 40; at Joel Navarro Jr., 20, kapwa nakatira sa #724 R. Basa Street sa nasabing lungsod.
Ang matandang Navarro ay natusta ang katawan habang idineklara namang patay sa Bautista Hospital sa Cavite City ang batang Navarro na isinugod sa pagamutan ng mga tauhan ng Philippine Red Cross.
Sa imbestigasyon ni SFO3 Jose Caraos ng Bureau of Fire Protection ng Cavite City, naganap ang sunog bandang alas-5:25 ng umaga.
Nabatid na mahimbing pang natutulog ang mag-ama nang sumiklab ang sunog kung saan nakulong ang mga ito sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Nabigong mailigtas ang mag-ama dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.
Naapula naman ang sunog bandang alas-6:24 ng umaga kung saan naitala sa P3 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala habang patuloy ang imbestigasyon.
- Latest