Armored van vs jeep: 3 todas
BULACAN, Philippines – Tatlong katao ang nasawi kabilang ang dalawang guro habang 13 ang malubhang nasugatan matapos sumalpok ang isang armored van sa isang pampasaherong jeep kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Brgy. Sto. Cristo, San Jose Del Monte City ng lalawigang ito.
Namatay habang dinadala sa ospital ang biktimang sina Mylene Estrada, 38 ng Brgy. Bagong Buhay 3; Yolanda Tuico, 39 ng Brgy. Sto. Cristo, kapwa guro at Erjel Relox, 22, drayber ng Brgy. Minuyan IV sa nasabing bayan.
Nilalapatan ng lunas sa iba’t ibang ospital ang mga sugatang sina Marissa Bezar, 50; Teresita Cada 54; Ma. Patricia Barnachea,19; pawang taga Brgy. Kaypian, Elvira Macaraeg, 58; Rovie Voy Salud 28; Nenita Salud, 24; Danikka Torres, 20; pawang taga Brgy. Minuyan III; Carmela Maningas,19; Carl Justin Tuico, 7, kapwa taga Brgy. Sto. Cristo; Rafael Banson,17 ng Brgy.San Rafael; Jonna Asan, 25 ng Brgy. San Martin 1; Ramoncito Belga, 52 ng Brgy. Sto. Niño; at Vincent Panes, 26 ng Brgy. Minuyan IV pawang sa bayang ito.
Ang suspek na naaresto ay kinilalang si Ryan Rey Bautista, 25, drayber ng armored car at residente ng Brgy. Caingin, San Rafael.
Base sa imbestigasyon, dakong alas-6:10 ng gabi binabagtas ng pampasaherong jeep (CWM-248) na minamaneho ni Relox ang kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sto. Cristo papunta sa hilagang direksyon habang binabagtas din ng armored van (ZPS-348) ang kabilang direksyon.
Pagsapit sa palusong na bahagi ng Brgy. Sto. Cristo ay biglang nawalan ng preno ang armored van na naging dahilan upang banggain nito ang kasalubong na pampasaherong jeep.
Sa lakas ng bangga ay naipit sa upuan ang drayber na si Relox habang nayupi na parang lata ang unahang bahagi ng jeep.
Tumagal ng isang oras bago tuluyang nakuha ng rumespondeng rescuer ang drayber.
Ang driver ng armored van ay kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide,multiple physical injuries at damage to properties.
- Latest