TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Aabot sa 15-katao ang malubhang nasugatan makaraang bumaliktad ang pampasaherong jeepney sa gilid ng bulubunduking highway sa Barangay Lunas, bayan ng Barlig, Mt. Province kamakalawa. Lumalabas sa imbestigasyon na nabitin at huminto sa paakyat na bahagi ng kalsada ang jeepney (AYE-869) na minamaneho ni Arnold Sendrijas kung saan umatras ito at bumaliktad sa gilid ng bundok dakong alas-9:30 ng umaga. Sa pahayag ni P/Senior Supt. Oliver Enmodias, Mt. Province PNP director, ang mga sugatang biktima ay bahagi ng 30 pasahero na patungong bayan ng Natonin. Naisugod naman sa Barlig District Hospital, Luis Hora Memorial Hospital sa Bauko at Bontoc Provincial Hospital ang mga pasaherong malubhang nasugatan na karamihan ay matatanda at nakaupo sa bubungan ng sasakyan.