5 sugatan sa granada

5 sugatan sa granada

NORTH COTABATO, Philippines – Lima-katao ang nasu­gatan makaraang sumabog ang granada sa rotonda area sa Barangay Poblacion sa bayan ng Matalam, North Cotabato kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Insp. Sunny Leoncito, hepe ng Matalam PNP ang mga sugatan na sina Macmod Kanacan, 24, drayber, at residente ng Kilada, Matalam; Kensed Dilangalen, 32, magsasaka at nakatira sa Brgy. Bulit, Datu Montawal, Maguindanao; Dan John Anam, 28, ng Taguranao, Matalam; Geraldo Peralta Jr., 44, Poblacion, Matalam; at si Sharon Diaz Bolante, 35, negosyante at nakatira sa Poblacion sa bayan ng Matalam.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, pinaniniwalaang ang tricycle driver na si Kanacan ang target ng pagpapasabog ng mga di-kilalang kalalakihan.

Sa salaysay ni Kanacan sa pulisya, ilang kalalakihang nakamotorsiklo ang umaaligid-aligid sa kanyang bahay bago pa naganap ang insidente.

Samantala, agad namang dinala sa Provincial Hospital sa Amas, Kidapawan City ang mga sugatang biktima.

Sa pahayag ni SPO2 Froilan Gravidez, head ng operation ng Matalam PNP, naganap ang pagpapasabog ilang linggo bago ang kapiyestahan sa bayan ng Matalam.

Show comments