MANILA, Philippines – Isang college student na babae ang nasugatan makaraang masabugan ng ng M203 grenade launcher sa kasagsagan ng bakbakan ng tropa ng militar at ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Matagangtang, Placer, Masbate kamakalawa ng hapon.
Mabilis na isinugod ang biktima na si Jesel Estay Arreglado, 19, sa Masbate Provincial Hospital sanhi ng tinamong tama ng shrapnel ng M203 grenade launcher sa kanyang likod.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) V, alas-8:45 ng gabi nang magkaroon ng bakbakan sa pagitan ng mga ilang units ng Army’s 9th Infantry Division (ID) at ng hindi pa madeterminang bilang ng mga rebelde sa bisinidad ng Gulay Mayer National High School sa Brgy. Matagangtang, Placer.
Mahigit limang minuto ang bakbakan kung saan sa pagsabog ng M203 granade launcher ay tumama ito sa tahanan ng sibilyang si Rebecca Catampongan na ikinasugat ng nasabing estudyante.
Unang isinugod sa Cataingan District Hospital ang biktima pero agad ding inilipat sa Masbate Provincial Hospital.