TUGUEGARAO CITY, Philippines – Nailigtas ng pulisya ang isang 5-anyos na pre-schooler na kinidnap ng kanyang yayang bading sa Quezon City matapos silang matunton ng Police Anti-Kidnapping Group (AKG) sa bahay ng mga kaanak ng suspek sa Barangay Lanting, Roxas, Isabela kamakalawa.
Sinabi ni Chief Insp. Virgilio Abillera, hepe ng PNP Roxas na nilusob nila ang compound ng mga kaanak ng suspek na si Reynaldo Ampaya, 21, tubong Laur, Nueva Ecija; matapos itong matukoy ng AKG sa pamamagitan ng ipinadalang niyang text message sa ina ni Arnie Zandra Cortez na nanghihingi ng ransom. Lumalabas sa imbestigasyon na isinama ni Ampaya ang bata sa Isabela mula sa kanilang lugar sa Diliman, Quezon City noong umaga ng Huwebes. Ayon kay Abillera, nag-text ang suspek sa ina ng bata na si Arlene Cortez na isang computer programmer na hinihingi ang password sa ATM nito at nagbantang papatayin ang anak kapag nabigo itong ibigay. Dahil sa nasabing text message ay natukoy ng pulisya ang kinalalagyan ni Ampaya at ang bata kung kayat agad ikinasa ng pulisya ang rescue operation dakong alas-5:00 ng hapon noong Biyernes.