MANILA, Philippines – Dalawang sundalo ang napaslang habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang batang opisyal makaraang pasabugan ng landmine ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tropa ng pamahalaan sa naganap na ambush sa bulubunduking bahagi ng Catbalogan City, Samar nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat, sinabi ni Captain Isagani Viernes, Public Affairs Officer ng Army’s 8th Infantry Division (ID), tinangay pa ng mga rebelde ang P1.8-M subsistence allowance ng mga sundalo at mga personal na kagamitan nila.
Bandang alas-7:40 ng gabi kasalukuyang bumabagtas ang KM 450 military truck na sinasakyan ng tropa ng mga sundalo nang sumabog ang landmine na itinanim sa highway ng mga rebelde saka pinaulanan ang mga ito ng bala sa bahagi ng national highway ng Brgy. Lagundi ng lungsod.
Sa bugso ng putukan ay napuruhan ang dalawang Enlisted Personnel (EP) na kinilalang sina Corporal Chelito Edera at Corporal Joe Campos na pawang nasawi sa insidente habang sugatan sina 1st Lt. Cherwin Lapura, Pfc. Rey Calabroso at Pfc Jack Macatantan.
Ayon kay Viernes, kasalukuyang pabalik na ang mga sundalo sa kanilang batalyon dala ang nasabing halaga na subsistence allowance ng mangyari ang insidente sa lugar.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operations ng tropa ng militar laban sa grupo ng mga rebelde na responsable sa pananambang at pagtangay ng subsistence allowance ng tropa ng pamahalaan.