4 tinedyer nilamon ng ilog

Kabilang sa mga namatay ay sina Lovely Lacaba, 18; Nelson Godin, 18; Butch Harold Nario, 16; Christian Palen, 17; mga residente sa Barangay Citrus, San Jose Del Monte City, Bulacan. Philstar.com/File

BULACAN, Philippines – Magkakasunod na sinalubong ni kamatayan ang apat sa pitong tinedyer matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig sa Bakas River sa Barangay Matictic, bayan ng Norzagaray, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Kabilang sa mga namatay ay sina Lovely Lacaba, 18; Nelson Godin, 18; Butch Harold Nario, 16; Christian Palen, 17; mga residente sa Barangay Citrus, San Jose Del Monte City, Bulacan.

Nailigtas naman ng search and rescue team sina Daryl Aglosoros, 15; Lucriciano Palen, 18; at si Luigi Manaay, 17.

Sa ulat ng pulisya,  magkakasamang naligo ang mga biktima sa Bakas River sa Sitio Kanyakan kung saan sa hindi inaasahang pagkakataon ay biglang dumaloy ang malakas na tubig-baha mula sa itaas na bahagi ng lugar.

Dito na tinangay ang mga biktima sa malalim na bahagi ng ilog kung saan nailigtas naman ng mga sundalo ng Phil. Army at rescue team ng San Jose Del Monte City ang tatlo habang narekober naman ang mga bangkay ng apat na tinedyer.

Nabatid na ang mga biktima ay dayuhan sa nasabing ilog at walang kaalaman sa pagdaloy ng tubig na pinakawalan sa dam.

Show comments