Trader kumasa sa holdaper, dedo
BULACAN, Philippines – Napatay ang 43-anyos na lady trader matapos itong pagtulungang saksakin ng dalawang holdaper sa madilim na bahagi ng Barangay Tampok sa bayan ng Hagonoy, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nagtamo ng 27-saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nagawa pang maisugod sa Maborrang Hospital sa Brgy.Sto.Niño subalit idineklarang patay si Jennifer Marmolejo, may-ari ng sari-sari store at nakatira sa Purok 4 sa nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ni PO2 Roderick Velano, pauwi na ang biktima matapos na magsara ng kanyang tindahan nang mapagawi ito sa madilim na bahagi ng naturang lugar.
Dito na sumulpot sa kanyang likuran ang dalawang lalaki kung saan nagdeklara ng holdap. Gayon pa man, lumaban ang biktima kaya pinagtulungan siyang saksakin hanggang sa duguang bumulagta.
Nagkataon namang naglalakad ang mga kaanak ng biktima upang salubungin siya subalit namataan namang nakabulagta na naghihingalo kaya kaagad na isinugod sa ospital pero hindi na umabot ng buhay.
- Latest