Concert pinasabog: 11 nadale

NORTH COTABATO, Philippines – Umaabot sa 11-katao ang nasugatan makaraang pasabugin ang concert sa provincial kapitol ng Sultan Kudarat kasabay ng seleb­rasyon ng Kalimudan Festival, kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga suga­tang naisugod sa ospital ay sina Abix Mamansuan Sandigan, 33, ng Poblacion Buluan, Maguindanao; Regine Simsim, 40, ng Brgy. Lagilayan; Darius John Padilla, 6; Jasper Linda, 11; Baltazar Linda, 49; Cenilia Linda, 45, mga nakatira sa Brgy. Bambad sa bayan ng Isulan; Sahid Salindab, 27; Ann Janeth Latip Salindab, 2, mga nakatira sa Brgy. Poblacion; Michael John Cinco, 20, ng Brgy. Kalawag 1; Lilibeth Perolino, 45, ng Brgy. Bambad Isulan; at ang kritikal naman ang kalagayan na si Almasir Ibrahim, 22.

Sa insiyal na imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-8 ng gabi nang sumabog ang dalawa sa tatlong granada na inihagis ng mga di-kilalang kalalakihan malapit sa pump machine ng gasolinahan malapit sa kapitolyo.

Natagpuan sa likuran ng mga naka-file na soundbox na gagamitin para sa concert ang isa pang granada na hindi sumabog.

Pinaniniwalaang pa­nanabotahe sa selebrasyon ng Kalimudan Festival na magtatapos ngayong araw ang isa sa motibo ng pagpapasabog.

 

Show comments