MANILA, Philippines – Isang konsehal at isang pulis ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kanilang sinasakyang patrol vehicle sa Daraga, Albay nitong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni Sr. Supt. Marlo Meneses, Director ng Albay Provincial Police, kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Councilor Mark Magalona at SPO4 John Mallorca ng Daraga Municipal Police. Ginagamot sa Legaspi City Hospital si Mallorca na nasugatan sa kanang balikat at si Magalona sa kanyang hita.
Ayon kay Meneses, lulan ng Mahindra patrol jeep ang mga biktima pabalik na sa kanilang himpilan nang paulanan ng bala ng mga rebelde sa highway ng Brgy. Bigao dakong alas-9:25 ng umaga.
Ang mga pulis Daraga kasama si Mallorca lulan ng nasabing patrol car ay naatasang magsagawa ng security operation sa isinagawang konsultasyon sa barangay ni Mayor Gerry Jaucian kung saan nakisakay sa behikulo si Magalona nang mangyari ang pananambang.
Ligtas naman sa pananambang ang mga pulis na sina PO2 Dennis Loverez Mirafuentes, PO1 Stephen Asiado Mirabueno, PO1 Arvin Nopat Data at PO1 Reyner Esquilona Toledo.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operations ang Provincial Public Safety Company at Daraga Police laban sa grupo ng mga rebelde.