Mekaniko dedo sa trike driver

LUCENA CITY, Quezon, Philippines – Nagkabutas-butas ang katawan ng isang mekaniko matapos itong sumpakin ng nakaalitang trike driver sa Purok Pagkakaisa, Barangay Gulang-gulang sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng madaling araw. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Adrian Portugues habang tugis naman ang suspek na si June Datinggaling, mga residente sa nabanggit na barangay. Sa ulat na isinumite kay P/Supt. Joel de Mesa, hepe ng Lucena City PNP, bandang alas-12:10 ng madaling araw nang harangin at barilin ng suspek ang biktimang papauwi. Nabatid na sumiklab ang mainitang pagtatalo ng dalawa dahil sa hindi maayos na pagkukumpuni ng biktima sa trike ng suspek. Naawat naman ang dalawa kung saan pinagkasundo ng ilang opisyal ng barangay. Sinasabing pakitang tao lamang ang ginawa ng suspek na pakikipag-ayos sa biktima at isinagawa ang pamamaslang. Narekober sa crime scene ang sumpak na ginamit ng suspek at isang basyo.

Show comments